Sunday, October 12, 2014

FILI8 MASINING NA PAGPAPAHAYAG

BAYANI, JAN LUKE ALLIE S.J.
BSE-BIOLOGY 2-1
FILI8 MASINING NA PAGPAPAHAYAG

Hindi na marahil maiiwasan ng Pilipinas ang mga kalamidad na nagdadaanan sa atin taon-taon. Walang bansa ang masasabing handa sa mga kalamidad na pwedeng yumanig at magpatumba sa kanila. Masusukat kung gaano kahanda ang isang bansa sa kung paano nila haharapin ito at ang mga hakbang na gagawin nila kung sinasalanta na sila nito. Handa na ang Pilipinas sa ganon? Sa mga nagdaang taon, napatunayan lang natin na marami pa tayong kakaining bigas pagdating sa aspetong ito. Ano nga ba ang pwede natin gawin sa mga panahon sa mararanasan natin ang mga kalamidad na ito? Gaano na kahanda ang Pilipinas?

Ang lokasyon ng ating bansa ang isa sa mga malaking bagay na nakakaapekto dito. Ang Pilipinas ay nasa lokasyon malapit sa Pacific Ocean kung saan namumuo ang bagyo. Ito ang dahilan kung bakit palagi tayo dinadaanan ng mga bagyo. Masasabing dadaanan tayo ng bagyo kung pumasok ito sa tinatawag na Philippine Area of Responsibility. Ang Pilipinas din ay kabilang sa Pacific Ring of Fire kaya madalas ang pagsabog ng bulkan at paglindol sa ating bansa. Ito ang mga heograpiyang rason kung bakit maraming kalamidad ang nararanasan ng ating bansa. Pero ngayon hindi na lang ito ang rason kung bakit dumadami ang nagdadaang kalamidad sa atin, ito ay sa kadahilanang pagbabago sa klima ng mundo o tinatawag na Climate Change. Nagsimula ito dahil sa hindi tamang pamamalakad ng tao sa kanyang kapaligiran na nag-aambag sa pagkakasira ng ating bansa na ang mismong biktima rin ay siang tao rin. Dahil sa climate change, nagiging matindi ang init sa mundo dahil sa mga hindi nakakalabas na init na siyang nagdudulot sa atin ng kapahamakan.

Impormasyon ang isa sa mga susi upang maging maayos ang pamamalakad sa oras ng kalamidad at mababawasan ang bilang ng mga tao na magbubuwis ng kanilang buhay. Impormasyon na alam dapat ng bawat isa sa atin upang sa oras ng kalamidad ay may magagawa tayo upang iligtas ang ating sarili mula sa tiyak na kapahamakan. Ang mga opisyal at ang mga LGU ay may malakinh papel na gaganapan upang maging matagumpay ang pagpapakalat ng kaalaman sa mga simpleng mamamayan. Sa panahon ngayon, ang Media ang malaking kontributor sa malawak na pagpapakalat ng impormasyon sa tungkol sa paparating na kalamidad at ano ang dapat maging hakbang nating mga mamayan sa oras na nararanasan na natin ito. Isa sa masasabing magandang halimbawa nito ay ang kanilang news segment na pinamagatang "I Am Ready" kung saan nagbibigay sila ng impormasyon kaugnay sa sakuna na nararanasan natin ang nagbibigay sila ng mga bagay na dapat natin gawin sa oras na iyon. Dahil na rin sa pagusbong ng teknolohiya, isa na rin sa pamamaraan ng pagkakalat ng impormasyon ay sa pamamagitan ng website. Dito nila nilalagay ang mga impormasyon, mapa, at mga hakbang na dapat gawin kung nalagay tayo sa sitwasyon na kagaya ng tinutukoy sa website. Bahagi na rin ng asignaturang science ang pagaaral sa mga kalamidad na palagi na natin nararanasan sa atin bansa. Tinuro na rin sa kanila kung ano at hindi dapat gawin sa oras ng kalamidas. Inaasahan ng eskwelahan na sila na mismo ang magpapakalat sa kanilang pamilya at lugar ng kaalaman nilang natutunan. Sa mga malalayong probinsya ay nagsasagawa naman ng mga seminars para sa mga tao doon.

Hindi natin maiiwasan na sa bawat at kalamidad ay mayroon at mayroon din na maapektuhan. Marahil konti o pangkalahatan ang pwedeng maapektuhan. Dahil sa mga nangyari sa kanila, mas magiging mulat sila sa kung saan sila nagkulang upang sa susunod alam na nila ang dapat gawin. Sabi nga natututo ka sa pagkakamali mo. Ang mga nakitang pagkakamali sa pamamalakad sa oras ng kalamidad ay nagsisilbing gabay sa ibang lugar at sa bansa upang mas mapaghandaan at mapabuti ang pamamalakad sa gitna ng kalamidad.

Dahil sa mga kalamidad na nararanasan natin at mararanasan pa, and MMDA at ang lokal na pamahalaan ay gumagawa na ng paraan at habkang para sa mga ito. Hindi man nito layon pigilan ang mga kalamidad na ito pero upang mabawasan ang mga mamamatay at malalagay sa kapahamakan sa oras na dumating na ito. Ipinatupad ni Pangulong Aquino ang Republic Act 10121 na nagbigay daan upang mabuo ang NDRRMD o ang National Disaster Risk Reduction and Management Plan. Dito nakasaad ang mga hakbang at mga plano na gagawin ng bansa sa oras ng kalamidad dahil hindi nawawala ang banta ng iba't ibang uri ng kalamidad na pwedeng maranasan ng bansa. Ipinanukala ni Senator Migz Zubiri ang Senate Resolution 426 na nagsasaad na paimbestigahan ang nakalatag na plano ng gobyerno sakaling may tumamang kalamidad sa bansa. Ipinanukala naman ni Senator Loren Legarda na paimbestigahan ang mga tibay ng gusali sa bansa lalo na may malaking banta ng malakas na lindol sa kamaynilaan.

Kung napapansin natin na sa bawat bagyo na nagdadaan sa atin, hindi na nawawala ang mataas na baha ni ultimo mahinang ulan ay bumabaha na agad. Ang La Mesa Dam ay isa sa mga malalaking dam sa bansa na nagsusuplay ng tubig sa maraming lugar. Isa sa problema sa dam ay wala itong spill way na pwedeng pagtapunan ng sobrang tubig pag umapaw ito. Kaya pagumapaw ito walang ibang magagawa kundi pakawalan ang sobrang tubig na nagdudulot ng baha sa maraming lugar. Isa rin sa rason kung bakit nagkakabaha ay ang sandamukal na basura na tinatapon ng tao sa ilog, creek, canal, o sapa. Naiipon ang mga ito hanggamg sa wala nang daanan ang tubig na nagdudulot ng malaking baha. Ang mga basurang ito ay nadadala sa Manila Bay at hihintayin na lang natin ulit isuka pabalik ang mga ito sa atin katulad ng nangyari noong Bagyong Yolanda kung saan napuno ng basura ang gilid ng Manila Bay.

Nilundas ngayong taon ang isang proyekto na pinangunahan nang Department of Science and Technology. Ang proyektong ito ay tinatawag na Project NOAH. Pinasimulan ito sa Marikina dahil sa dito ay maraming insidente ng pagbaha at kakulangan sa early warning signal sa mga mamamayan na nagdudulot ng kapahamakan sa tao. Ang proyektong ito ay naglalayon na magbigay ng impormasyon sa tao tungkol sa sitwasyon ng kanilang lugar sa oras ng bagyo. Makikita rin nila dito ang mga lugar sa kanila na lubog na sa baha. Malaking tulong ang proyektong ito para sa ma tao lalo na sa mga tao na nakatira sa mga lugar na palagong binabaha. Hanggang ngayon ay inoobserbahan pa rin ang epekto nito, kung nakakatulong ba ito sa tao o hindi bago ito ipatupad sa ibang lugar.

Ang mga kalamidad na tumatama sa iba't-ibang pabig ng bansa ay nagdudulot ng pinsala di lang sa ari-arian kundi pati rin sa buhay ng mga mamamayang Pilipino. Dapat magkaroon ng konkretong plano sa oras ng kalamidad at dapat maging maayos ang disaster management bago, habang, at pagkatapos ng kalamidad. Hindi lang dapat tayo palagi umaasa sa tulong ng ibang bansa dapat tayp mismo ay may hakbang na ginagawa. Dapat ilipat ang mga tao malapit sa sapa at ilog para hindi rin maging tapunan ang mga ilog. Dalawa ang magiging mabuting epekto nito sa atin, una mababawasan ang mga basura na nagdudulot ng matinding baha at pangalawa ay maililigtas din ang mga tao na malapit sa dito. Hindi mawawala ang banta ng iba't-ibang uri ng kalamidad na pwedeng maranasan ng bansa tulad ng baha, landslide, mga bagyo na puro sanhi ng kalikasan at wala tayong lakas mga tao na pigilan ito. Dapat mapabuti ng lokal na pamahalaan ang pagbibigay ng early warning signal sa mga mamamayan.

Hindi man natin maiwasan ang mga kalamidad na dumadating sa atin pero kaya natin bawasan ang matinding epekto nito sa atin. Dapat magtulungan ang lokal na pamahalaan, media, at mga tao upang maging maayos ang paglatag at pagpapakalat ng impormasyon at plano sa mga tao.

Sunday, September 14, 2014

Pagtitinda ng KANDILA


                  Pagtitinda ng kandila ang naging hanapbuhay ni Lola Gloria Bay sa loob ng sampung taon bukod sa pagtitinda ng samu't saring pagkain sa gilid ng St. Jude's Parish sa Trece Martires City. Si Lola Gloria ay 70 taong gulang. Wala na siyang katuwang sa buhay maliban sa isa niyang anak na siya rin ang bumubuhay. Hindi tiyak ang kita ni lola sa maghapon, minsan mayroon at minsan naman wala. Dahil dun na siya nakatira sa pwesto niya, hanggang 10:00 ng gabi siya nagtitinda. Tuwing okasyon lamang malakas ang kita ni lola.  
                 Sa pagpalit ko kahit sandali kay Lola Gloria sa pagtitinda niya ng kandila, naramdaman ko na ang hirap na dinadanas ni lola araw-araw para lang kumita. Ang pagtawag palang sa customer ay nakakahiya na peorhabang tumatagal mas lalo akong nahihikayat na makabenta kahit isa lang. Iba-iba ang nakita kong reaksyon sa mukha ng mga taong binebentahan ko, mayroon ngumingiti na lang at yung iba ay sadyang walang pakialam. Habang tumatagal ako sa pagtitinda, nawawalan na ako ng pag-asan na may bibili pa. Bilib ako kay Lola Gloria dahil kinaya niya ito sa loob ng sampung taon. Siguro pag ako yun baka hindi ko ito kayanin. Halos gusto ko na magmakaawa sa mga taong dumadaan na bumili sila sa akin.   
              Siguro hindi ito swerteng araw para sa akin dahil hindi ako nakabenta kahit isa. Bumili na lang ako ng dalawang kandila kay lola para makatulong na rin sa kanya. Pinangako ko sa aking sarili na babalik ako sa kanya at tutulungan ko siya sa paraan na kaya ko. Babaunin ko ang mga aral na natutunan ko kay Lola Gloria.

Sunday, September 7, 2014

Munting Paglalakbay

Paglabas ng klase, agad na kaming umuwi kasama ko sina Fritzie, Edelyn, Angeline, Gelaine, at Aira. Dumaan kami sa tapat ng CEIT building. May nakitang puno nang chico si Aira. Gustong-gusto niya ito kaya pinakuha niya ako ng isa dahil di niya abot. Tumingin muna ako sa aking paligid bago ako kumuha at baka may makita sa akin. Nung pagkapitas ko ay nalagyan ng dagta ang aking kamay. Sobrang lagkit niya kaya pumunta muna ako sa CR para maghugas.  
Pagdating namin sa sakayan, sobrang haba ng pila. Halos isang ikot na sa monumento sa bayan. Kami pa ang pinakadulo. Nagsoundtrip na lang kami habang naghihintay. Gabi na nang makasakay na kami. Medyo nagkaaberya pa sa pamasahe. Hindi pala dapat pagsamasamahin yung pamasahe. Isa isa lang eh pinagsama namin yung amin kaya pinabalik ni Manong Guard yung pamasahe namin.   
Habang nasa biyahe napagusapan namin ang tungkol sa rape. Si Edelyn ay nagbigay ng kanyang Words Of Wisdom. Sabi niya bigyan mo daw ng proteksyon yung mangrarape sayo. Sisirain na nga raw yung buhay mo tas bubuntisin ka pa. Tawa ako ng tawa nung sinabi niya sa akin yun. Tinitingnan na nga kami nung katapat namin pero hindi nalang namin pinansin.  
Bumaba na isa-isa ang aking mga kasama hanggang ako nalang ang natira. Pagbaba ko nang Pala-Pala ay dumaan muna ako nang Robinson bago ako umuwi sa bahay namin. 

Thursday, September 4, 2014

TAKBO! TAGO! BILIS!

Isa sa mga nakakatakot kong napaginipan siguro ay yung pinapatay kaming magkakaibigan nang killer isa-isa sa loob ng CvSU. Sa panaginip namatay ang aking mga kasama hanggang sa tatlo na lang kaming natitira. Nagtago kami kung saan-saan para takasan ang killer. Bago pa kami mahuli ay nagising na ako mula sa aking nakakatakot na panaginip. Salamat sa aking malakas na alarm tone. Pagkagising ko pawis na pawis ako at halos hindi mawala sa isip ko ang mga pangyayari. Hanggang sa eskwela ay naaalala ko pa ang aking panaginip na iyon. Sana hindi ko na ulit maranasan ang ganong panaginip ulit.

Masamang Kaibigan??

Si Dazzle Muli ay isa sa mga malapit kong kaibigan ngayong kolehiyo. Palagi ko siya kasama at kakwentuhan tungkol sa king ano-anong bagay. Isang gabi napaginipan ko siya at ang kakaiba dito, siya ang kontabida nang aking buhay. Sa panaginip ko, siya ang sumisira sa buhay ko, pinahihirapan niya ako, at palagi niya ako sinasabihan ng masasamang salita. Wala naman sa personalidad niya ang mga eksenang nakita ko sa panaginip ko. Kaya hindi ko na ito gaano pinansin. siguro kung nangyari nga ito sa totoong buhay, baka maitulak ko siya mula sa umaandar na jeep. Hindi ako papatalo sa mapanakit!